Tags
bagyo, bayan, lawin, Opinion, Philippines, police, rally, rights, US Intervention, violence
Nadaanan na tayo ni Cosme, nilubog na tayo ng Ondoy, giniyagis ni Yolanda at kagabi pa pinagti-tripan ni Lawin, ganoon pa man, kailangan kong aminin, na may mga bagyo tayong hindi kayang indahin–gaya ng bagyong tatawagin nating Senior Supt. Marcelino Pedroso.
Powerful ang bagyong Pedroso at may dala-dalang angst mula sa Kanlurang Karagatan, di gaya ng mga previous typhoons na nanalasa sa Pilipinas, may pagka-selective itong si Bagyong Pedrozo, sinasalanta n’ya lang ang mga nagde-demonstrate, mga marginalized at oppressed.
Walang nakakaligtas sa kanya, walang typhoon warning signal, kahit patapos na ang programa. Kahit kaunting minuto na lang ay mage-evacuate na ang mga masasalanta.
Ser, isang speaker na lang, tapos na, sabi ng isa sa mga buntot nya. Ah hindi, “magkagulo na kung magkagulo! No regrets!” sabi nya. Kaya umulan ng mga lumilipad na pamalo at teargas, laway…dugo, kung kaninong dugo, ‘di ko alam. Dumagundong ang mga shield, dumaluyong ang palahaw ng mga nataranta, nagagalit, naghihinagpis na mga raliyista, Tama na!, ang sabi nila. Tama na! Pero, ganoon talaga, may mga bagyong hindi kayang indahin ng mga Pilipino.
At dahil powerful and bagyong Pedrozo, pati buntot nito binigyan ng pangalan ng PAGASA–Police Officer 3 Franklin Kho. Kakaiba itong buntot na ito, irate at may paranoia. Kung anong tindi ng paranoia n’ya, ay siya rin namang baba ng tolerance nya. Sa buong buhay ko, s’ya lang ang buntot ng bagyong natakot na baka, “ma-flip over” sya. Kaya ayun, naki-ride sa parent typhoon, at nanagasa, back and forth, sa duguan nang lupa.
Ito ka ngayon bayan, you have to endure! Magtiis ka, sa pang-aapi ng kapwa mong naglilingkod para sa kaayusan, hindi para marinig ang sariling mong tinig bilang Pilipino, kundi para sa tinig ng naghahari-hariang lahi!
I wonder, pwede kayang gawing evacuation center ang US Embassy kung nagkataon? At kung magkagayon man, ilang toneladang releif goods kaya ang kaya nilang ibahagi sa nalupig na mga kababayan?
Ito ang malinaw, malaki ang tiwala ko sa’yo bayan, sa tinig mo, sa pasya mo! Malaki ang pananalig ko sa karapatan mo, sa paghihinagpis mo, sa mga hibik mo, sa mga pangarap mo. Kaya habang may lakas ka, ibayubay mo sa langit ang nakatiim mong kamao!