June 2008. First day of classes na, di pa rin ako nae-enroll. Marami na kaming napuntahang schools, public at private. Sinuyod na namin ang buong bayan ng Urbiztondo, pero wala pa ring eskwelahang mapili si Mama at Papa.
Pakiramdam ko noon, hindi na ako makakapasok. Hanggang sa naglakbay (that’s the most appropriate term) kami papunta sa kabilang bayan–sa Mangatarem. Doon ako na-enroll.
Natanggap ako bilang estudyante ng Special Program for the Arts. Namili kami kung anong field of arts ang gusto naming pasukin. Impressed ako sa school ko dahil may ganoon palang perks and privileges.
Ewan ko, gustung-gusto ko talagang mag-drawing. Visual Arts. Feeling ko noon ako na ang may pinakamagandang drawing noong grade school. Pero hindi lang pala ako ang ay ganoong pakiramdam. Halos 40+ siguro eh gusto ring mag-drowing (at mas magagaling pang mag-drowing kaysa akin!) ‘di na ako bumalik sa Visual Arts room (until now, nakapila pa rin yata sila).
My next choice was media arts. Nakilala ko si Ma’am Avila. Tungkol daw ito sa reporting, sa content writing. Fascinated ako! Aba! Mukhang gusto ko itong pasukin ah. Nasa sistema ko na, na estudyante na ako ng Media Arts at inihanda ko na ang aking English vocabulary dahil mapapasabak ako sa pagsusulat sa Ingles.
Noong sumunod na araw, may screening daw sa writing. Sa room daw ng mga first year (ugh, obviously), so punta naman ako. Naupo, labas ng writing materials. Pero iba ang teacher. Si Mrs. Garcia daw. Pinagsusulat na nya kami, pero sa Filipino. Gusto ko mag-panic. Shocks! Maling room ‘ata! Wala na akong magawa. Tinuloy-tuloy ko na.
Noong mga panahong iyon, sabi ko sa sarili ko: Wala akong kakayahang magsulat sa Tagalog. Di ako verbally expressive. Isang kahihiyan ‘yon–kaya naman yung naipasa kong output kay Ma’am Garcia, sobrang ikli. Translated at Recycled ang materyal na iyon mula sa isang informal theme entry ko noong elementary. Nakakahiya, sabi ko.
Pero sabi ni Ma’am (Mrs. Garcia) “Maganda”. Na-touch ako sa sinabi n’yang ‘yon. Para akong nakahanap ng kakampi. Sa mga oras na iyon na nag-alinlangan ako sa sariling kakayahan, para akong nakatagpo ng isang uunawa.
Gusto kong matuto at mula noon, di na ako umalis sa silid ng Malikhaing Pagsulat.