Tags
Church of Christ, God, Iglesia Ni Cristo, INC, poems, Poetry
Sa bawat bukang-liwayway ng maalab na pag-asa,
Naroon ka’t nakatunghay, O dakilang Ama.
Ikaw ang kanlungan, tanggulan at ligaya
Ang aral mo’y liwanag, tanglaw ng Iglesia.
Sa bawat paglubog ng araw sa buhay
Nariyan Ka’t nakatanaw, walang sawang gumagabay.
Sa bawat paghakbang, sa mahabang paglalakbay
Ikaw ang humahawak, tumutulong, umaalalay.
Itong kabutihan Mo’y bunga ng pagsusugo
Mula sa walang maliw na pag-ibig Mo’t pagsuyo.
Hiwaga Mo’y naunawa, lumaganap, lumalago
Dahil sa Pamamahalang matiyagang nagtuturo.
Ang bayan Mo’y mapalad ‘pagkat Ikaw ang pumili
Kami ay hinirang, tinurua’t inibig,
Laksang pag-uusig man, magtangkang gumapi
Handa kaming sa ngalan Mo, makipagtunggali.
Ang IGLESIA NI CRISTO‘y gintong kopang ‘tinataas
Sa gitna ng sanlibutang sa Iyo ay nag-aaklas
Kaya’t sa huling bahagi ng gawaing pagliligtas,
Kami’y kaisa Mong buong giting at lakas.
Sa lahat ng madidilim, walang katiyakang sandali
Ama, Ikaw ang magbantay, sa ami’y kumandili
Upang anumang hadlang, hirap man o pighati,
Makapagpatuloy sa pagtupad, sa Iglesia’y manatili
Sa mundo mang ito kaming mga anak Mo’y maulila
Magdaan sa kabiguan, mamuhunan ng pagluha
Taimtim na dadalangin, magtitiis, magtitiwala
‘Pagkat Ikaw ang sa ami’y kukupkop at kakalinga.
Karangalang sa bayan Mo’y habambuhay maglingkod
Abutan man ng unos, sa lakbayin ma’y mapagod
Kung ang abáng buhay ko’y tuluyang malagot
Iaalay sa Iyo, Ama, buong pusong ihahandog.
Matatapos na ang gabi, ang umaga’y parating
Dalangin ko Ama, kami’y huwag Mong limutin
Pahirin ang mga luha’t, ibsan ang dalahin
Payapa’t maluwalhating makabalik sa’yong piling!
— Biñan City, Laguna
20 November 2016